Sa totoo lang, nahihirapan na rin ako eh. Tuwing gigising ako sa umaga, iniisip ko yung kalagayan mo. Ganun din bago ako matulog sa gabi. At sa mga oras sa pagitan noon, kahit ayaw kong isingit dahil marami rin naman akong dapat gawin...iniisip pa rin kita.
Hindi na kasi madali 'to. Sobrang hirap na. Dati, alam kong kaya ko pa dahil sa mga panahong 'yon, halos araw-araw tayong magkausap. Nakakagawa tayo ng paraan para magkausap kahit sandali lang. Nagnanakaw ng oras, minuto at segundo para maranasan naman na normal ang pagsasama nating dalawa.
Pero ngayon, kahit gano ko gusto na hawakan ka ng mahigpit at wag pakawalan, tila pilit ka namang hinihila sa akin palayo. Literal na nga tayong malayo sa isa't isa...dagat na nga ang pagitan natin, oras ang kalaban...pero parang ayaw pa rin tayo pagbigyan.
Alam ko nahihirapan ka rin naman. Sa kung ano man ang sitwasyon mo ngayon, sa ating dalawa, 'di hamak na mas magaan ang sitwasyon ko. Pero dahil sa kahit noon pa ma'y pinili kita, katumbas na rin noon ang pagpili na sasama ako sa kahit anong sitwasyon na nangyayari sa buhay mo.
Gusto kong tanungin kung hanggang saan kaya ng isang katulad ko ang maghintay at umasa na balang-araw, magiging mas totoo ang kung ano man na meron tayo. Alam ko naman na gusto mong gumawa ng paraan, yun nga lang, sa ngayon, wala talagang kahit na anong solusyon sa problema nating dalawa kung hindi ang maghintay.
Hindi madali ang pinili natin. At dahil matigas ang ulo ko, hindi ko gusto na bitawan ka. Kung sa iba mangyayari ang nangyayari sa atin ngayon, malamang na pareho na nilang binitawan ang tali na tanging dugtungan nila. Pero iba ako...ayaw kong bitawan ka. Hindi dahil sa natatakot ako sa kung ano man ang mangyayari sa'yo. Hindi rin dahil sa natatakot akong magsimula na naman ng panibago at maghintay uli sa taong kayang gawin at higitan ang mga ginawa mo para sa akin. Ayokong bumitaw dahil ayaw ko.
Simple di ba? Kahit na madalas mong sinasabi na palagi kong ginagawang komplikado ang sitwasyon natin. Ngayon, paiikutin ko naman at ipipilit na simple lang naman. Kung sinasabi mo na ako ang buhay mo. Yan na lang ang gagawin kong dahilan kung bakit matigas ang ulo kahit nasa harapan na ng mukha ko na dapat matagal na nating tinigilan 'to.
Parang pandrama ang kwento naten... kung saka-sakaling kahit na anong tigas ng ulo ko at kahit na anong higpit ng kapit ko ay mapatid ang lubid na dugtungan ng buhay naten...huwag kang mag-alala...pwedeng isulat ko at isalibro ang nangyari sa aten na napakaganda ngunit para sa iba ay napaka-imposible...
O pwede ring hanapin kita...ilayo kita, itakas kita...at kung dati'y lubid lamang ang hawak ko ng mahigpit, kapag nakit kita...ikaw na ang kahit kailan di ko pakakawalan...
Kaya ko pang maghintay...hindi pa 'to ayawan...